Pagtatagpo: Ako at Siya

Naalala ko noong una kitang nakausap. Hinabol pa nga kita noon para lamang makulong tayo sa ginintuang elebeytor ng iilang segundo mula ika-tatlumpu’t walong kalangitan pababa ng ika-12 palapag. At tayong dalawa lamang noon, tayong dalawa lamang. Muntik pa nga akong maipit ng elebeytor para lamang makapiling kita! Buti na lamang at iniligtas mo ako! Pinindot mo ang dapat pindutin, at winika ko ang mahinhin na “Thanks!” At bumaba tayo, bumaba, bumaba.. kapiling ang isa’t isa.

Ngunit hindi pa rin tayo magkakilala. Lagi kitang sinusulyapan. Lagi kitang sinasadya para lamang malanghap ko ang hangin na maaaring nasinghot mo rin. Gustong gusto ko ang pag-ayos mo ng buhok mo, ang pananamit mo, ang pananalita mo [na mas malambot pa sa pananalita ko]…

Iniisip ko ang araw na muli tayong ipagtatagpo ng panahon. Maaaring panahon ito kung kailan nabunggo mo ako habang hawak ko ang nangangasim na Pineapple Juice sa may pantry. Maaawa ka sa akin at pupunasan mo ang aking blusa. At doon mo masisilayan ang aking natatagong kagandahan dahil sa iyong kaaawaan. Hihingin mo ang aking numero. Susunduin mo ako araw-araw. Sasabayan mo ako kumain. At maglalaho tayo sa kadiliman. Magpapakasal, habang buhay ng iiiwan ang planetang Dynpro…

Maaaring itatakda rin ng panahon ang araw na magkakasabay tayo sa pagtatasa ng lapis. Mahihiya tayo pareho. Sasabihin mo, “Ikaw na..” Sasabihin ko, “Ikaw na..” Magngingitian tayo. Tatawa sa pagka-mais ng situwasyon. Magkikilitian. At matutunaw tayo sa kabuktutan.

Maaari ring maganap ito habang sumasakay ako ng elektronikong hagdanan. Dahil sa paghabol ko sa iyo ay naipit ang aking daliri sa paa. Lalapitan mo ako at maaawa ka sa akin. Pupulutin mo ang naputol kong daliri sa paa at bubuhatin mo ako na nahimatay na dahil sa aking takot sa dugo. Dadalhin mo ako sa ospital at magsisilbi itong ating Palasyo. Magigising ako at magugulat na ikaw pala ang nasa tabi ko at mag-aapoy ang ating tinayong langit, makakapiling din natin ang bawat isa.

Maaari ring maganap ito sa ordinaryong sikat ng Araw ng Lunes, ordinaryong paglubog ng Araw ng Martes, ordinaryong pagpatak ng ulan ng Miyerkules o anumang ordinaryong araw ng pagkahaba-habang buhay…

…At ako ay magigising sa aking basang panaginip. Maalinpungatan ako na hindi nga pala tayo magkakilala. Estranghero lamang ako na napadpad sa aortang palutang-lutang. At saka ko lamang maiisip na bakla ka nga pala.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *