Isang hapon sa ika-tatlumpu’t walong palapag, nakadekwatro ako sa aking purplang upuan. Bugnot sa kadalamhatian ng maghapong pakikipagkindatan sa aking kompyuter, lumundag ang kalamnan ng aking puso nang nakita ko ang status mo na “away.” Sinilip kita kung saan ka papunta at noong nakita kong papunta ka sa printer na malapit sa kinalalagyan ko, dali-dali akong nagprint ng anumang dokumentong maaaring maipalabas sa makina. At inunahan kita sa printer! Dali-dali kong kinuha ang papel na alam ko namang sa iyo talaga. At bumalik ako sa aking puwesto dala-dala ang mga hinahanap mo. At nagmistulang aktres ako alang-alang sa pag-ibig, dali-dali akong bumalik sa printer kung saan hinahalughog mo ang makina para sa papeles na nasa mapagmahal na kamay ko na.. At aking winika ang “I think this is…I think this is… yours.” Yakap-yakap kong ibinigay sa iyo ang iyo naman talaga. Mula sa pagka-kunot ng iyong noo, tinuyo mo ang pawis na namuo sa iyong mukha dala ng kapaguran sa paghahanap ng mga dokumento… ngumiti ka at sinabing, “Yes, this is mine… but… can I be yours?” Magugulat ako sa milagrong namagitan sa ating dalawa.

At isang araw din sa milagrosong ika-tatlumpu’t walong palapag, nagbunutan na raw ng monito monita para sa isang buwang pagpapalit ng mga regalo. At milagrosong nabunot natin ang pangalan ng isa’t isa! At patago nating ilalagay ang regalo ng pag-ibig sa isa’t isa na may kasamang halik mula sa labi. Magtataka pa tayo kung sino si monito at monita ng mga puso natin! Ipagdarasal natin na sana’y nabunot natin ang parehas na pana ni Kupido. At sa pinal na araw ng pagpapalit ng regalo ng Pasko, magkakataong nasa ilalim tayo ng mistletoe at sasabihin mo “Hey, by the way, I’m your monitow.” Manlalaki ang mga mata ko, magkaka-konbulsyon ang labi ko, maninigas ang bawat sulok ng aking arteri… at pabulong kong sasabihin… “Ikaw monito, ako monitaw mow…” At papatugtugin ang romantikong tugtugin na “Jingol Bells Jingol Bells Jingol old a way!” At doon, sa tinakdang panahon, sa tamang oras, sa saktong ilalim ng mistletoe, tayo ay magjijingol old a way.

At isang araw din sa pinagpalang gusali, matatagpuan natin ang ating sarili sa may lobby, hinihintay ang ating mga sundo. Ngunit nagka-rally na ang bawat Binay ng bansa, nagka-baha-baha na ang bawat Uste ng bansa, nagka-buhol-buhol na ang trapiko sa bawat lansangan, nagkapiling din tayong dalawa. At doon una nating mararanasan ang masinsinang paghihintay. Sa unang pagkakataon, nasarapan tayo sa paghihintay. At pasimple nating tinitingnan ang bawat isa sabay bigkas-dasal na hindi na tayo sunduin ng sinuman. Mabubuhay tayo sa pagsusulyap sa isa’t isa. Magiging alipin natin ang oras na pabaliktad na gumagalaw. At mananatili tayo roon, nakatayo hanggang madaling araw. Manginginig na ang ating mga tuhod sa kapaguran ng paghihintay. Rarayumahin, matatabunan ng alikabok, inamag na ang lahat, nandoroon pa rin tayong dalawa.

At isang araw din, sa milagrosong ika-tatlumpu’t walong palapag ng gusali, nag-iinit na ang aking ulo dahil sa kawalan ko ng lohika sa programming. Dali-dali kong kinuha ang Fresh Milk na nakasilid sa palamigan. Ininom ko ito at tamang tama, may kinuha ka rin sa palamigan. At para bagang nakainom ako ng droga, nilapitan kita at nagwikang “I smell some testosterone!” At tila nanabik ka sa sinabi ko, inihalik mo ang baso mo ng gatas sa aking itim na baso. At nabagsak natin parehas ang ating mga baso. Magagalit ang mga taga-City Service at tatakbo tayo papunta sa ilalim ng iyong cubicle upang taguan ang City Service na sumisigaw ng, “Wag nyo kong takasan mga hinayupak! Kakaltasin sa sweldo ko ang mga itim na basong nabasag nyo!” At para tayong mga batang hahagikgik ng hahagikgik habang ang mga paa natin ay patuloy na dumadaloy ang dugo dala ng pagbasag ng mga baso.

At sa huli, matatagpuan ko ang aking sarili sa ika-tatlumpu’t walong palapag na miserable kaka-katha ng taliwas sa realidad. Maaaninagan ang distansya sa pagitan nating dalawa. Alam kong bakla ka pa rin na kung maglakad akala mo’y kinakaladkad… (ang puso ko).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *