Picture

Kung sino man ang darating,
maaaring dahan-dahanin mo ang ating pagkakilala.
Maaaring nasa loob ka ng iyong oto,
habang ako’y patawid.
Paparaanin mo ako. Ngingitian kita. 

Kung sino man ang darating,
maaaring magkukrus ang ating landas sa hindi inaasahang pagkakataon.
Maaaring nasa magkabilang panig tayo ng LRT2,
at parehas tayong naghihintay na lumuwag ang tren

Kung sino man ang darating,
maaaring pilitin tayong pagtagpuin ng tadhana.
Magkatabi nating babaybayin ang kahabaan ng EDSA,
habang pinapasalamatan natin ang Uber Pool at ang matinding daloy ng trapiko.

Kung sino man ang darating,
maaaring nagayuma pala kita sa loob ng isang carinderia,
isang plato ng papaitang kambing
ang hindi na kakailanganing pumagitan pa sa ating dalawa.

Kung sino man ang darating,
maaaring aksidente lang ang ating engkwentro:
sa isang kickboxing class,
kung kailan muntik ka nang matamaan ng aking sidekick-jab-cross-jab combination.

Kung sino man ang darating,
maaaring nasaktuhan na natin sa wakas ang ginintuang right place at right time
habang parehas tayong nag-sosolo travel sa isang isla,
Kung saan naki-bagay ang full moon, starry starry night, at Gold Eagle beer.

Kung sino man ang darating,
maaaring resulta ka ng aking bukod-tanging gut-feel:
isang right-swipe,
Na magpapatigil sa atin sa pangangating mag-swipe pang muli.

Kung sino man ang darating,
maaaring dati na pala nating crush ang isa’t isa,
At ngayon lang natin klarong nakita ang umaapoy na mga senyales:
pagngiti sa hallways, pagkumusta habang nakasakay sa elevator, at pag-like ng FB posts.

Kung sino man ang darating,
maaaring nagkabisa na rin ang matagal na dalangin,
Isang kindat at flip ng hair
​na magpapahumaling at magpapalakas ng iyong loob na lingunin at lapitan mo ako.

Kung sino man ang darating,
maaaring nasa dulo’t dulo tayo ng landas ng paghahanap,
pagtataya sa kaibigan ng kaibigan ng kaklase ng kapitbahay ng kaaway natin,
pag-iikot sa bukas, Abril, Mayo, sa isang taon, at huwag naman sa susunod na dekada.

Kung sino man ang darating,
Alam kong pagod ka na rin na maghanap, umasa, masaktan, mawalan ng pag-asa, at malulong sa sikulo.
Kung sino man ang darating,
bahala na kung paano tayo paghaharapin ng panahon,
bahala na kung anong pangyayari ang hahantong sa pagtatagpo nating dalawa,
at mga matatagumpay na eksenang susunod (na huwag naman kahawig sa isang baduy na pelikula).

Kung saan mang lupalop ka ng mundo,
maghanda ka dahil mamahalin ka ng tulad kong romantika.
Baon ko ang libo libong damukal na bilyong mga aral na napulot,
mga mali, kasalanang tiyak kong itutuwid,
mga araw na ikatutuwa, ikagagalit, ikasusuklam, ikatatamis, ikalulungkot, ikasasabik mo kung bakit ba dumating pa ang araw ng ating pagkikita.

Kung kailanman ang kasalukuyan,
hihintayin ko ito,
huwag ka lang magtatagal ng isa pang dekada.
basta ba sana’y mahalin mo rin ako nang todo,
intindihin ang aking mga kabaduyan, bolahin paminsan-minsan, lambingin, patawanin, pausbungin, sampalin sa katotohanan,
dahil ayoko nang mabigo ulit at maghintay na naman sa darating na isa na namang kasalukuyan.

Kung sino ka man,
alam kong darating ka.
Hanggang sa muli, sana.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *