Lahat naman ng tao ay nahuhumaling sa mga artista. ‘Yung parang sinasambitan ka ng perfect dialogues kaya para bang mapapa-eye-to-eye contact ka sa kanya. Lalo na’t naka-hihimatay ang kanyang titig sa iyo… mala-diyos ang kanyang ngiti… at parang-slowmo ang kanyang bawat galaw sa teleserye o pelikula. Perfect na mukha at katawan, at pati na rin ang kanyang ugali. Kahit may screen sa inyong pagitan, kakatha ka ng ilusyon na para bang kayo ang para sa isa’t isa.

Pero J, hindi ako kagaya ng karamihan na umaasang may pag-asa na mamahalin ako ng isang karakter na iginuhit lang ng mga pelikula. Lalo na’t nagtatrabaho ako sa media industry, alam kong walang pag-asa ang isang ordinaryong mamamayan sa isang taong kagaya mong libo-libo ang pinapakilig araw-araw. Kaya lang, J, dumating ang araw na nakilala kita sa totoong buhay, na walang screen na kinakailangang pumagitan sa ating dalawa.

Nilalaro mo noon ang iyong paboritong sport sa Sunken Garden. Ang pogi mo, J. Pero wala kong masasabing spark o tibok ng pusong naganap. Masasabi kong “immune” na ako noon sa mga guwapong artistang nakikita ko sa opisina. Isa ka lang sa mga maraming artistang ang saya titigan pero alam kong hanggang titig lang ang kaya kong gawin. J, wala talagang ilusyong umantig sa aking damdamin. Hanggang sa tinawag ka ng iyong road manager at ipinakilala ka niya sa akin. Doon na nagsimula ang kabalastugan sa aking buhay.

Nginitian mo ako at inabot ang iyong kamay para ipakilala ang iyong sarili. J, ang lambot ng iyong kamay. At J, nakatutunaw ang iyong titig sa aking mata. Sabi mo tatapusin mo lang ang iyong laro at puede ko nang simulan ang interview ko sa’yo pagkatapos. Alam mo iyong mga effect sa pelikula na nakatuon lang ang pansin ng leading lady sa kanyang leading man? Naka-black-and-white ang buong paligid at sadyang ang may kulay lang ay si leading man? Ikaw lang ang may kulay noon sa paningin ko. Naka-slow-mo pa ang iyong bawat galaw.

J, nilapitan mo akong muli pagkatapos ng iyong laro. Patawad kamo sa iyong pawis. Small talk sa pagitan nating dalawa. Roll ng camera. Pack up ng shoot. Small talk ulit. Sabi mo see you ulit para sa day 2 ng ating shoot. Inilapat mo ang iyong pisngi sa aking pisngi. J, slow-mo pa rin ‘yun sa aking alaala. At kung alam mo lang, J, ang tagal bago ko nakalimutan ang amoy ng iyong pabangong nagpalimot sa akin na basa ka ng pawis noon. Pero bago ka umalis, nang nakita mong ang dami kong bibitbitin, bumalik ka sa aking puwesto at itinanong kung kailangan ko ba ng tulong. Nakita mo ba kong nag-blush noon, J? Kinilig ako na tinandaan mo ang aking pangalan at para kang anghel na handang tumulong sa ordinaryong kagaya ko. Nginitian kita para sabihing hindi ako lumpo. Hindi ko alam, J, pero bineso-beso mo ulit ako para magpaalam. Naku po, J, kung kaya lang magsalita ng aking mga matatabang pisngi, siguro nagsusumabog na ito sa sigaw ng tuwa.

Pag-uwi ko sa bahay, hindi ka pa rin makalimutan ng aking mga pisngi at puso. Kaya finollow kita sa Instagram. Pa-impress ako sa iyo noon, J, kaya inupload ko ang iyong picture sabay tag sa iyo. Isang oras lang siguro ang nakalipas, J, kinilig na naman ang bobong kagaya ko. Finollow mo ako, J. Finollow mo ako. Ako na ordinaryong tao, nabilang na noon sa wala pang 300 na elite na taong fino-follow mo. Pinangiti mo ako, J. Dahil sa mga sandaling iyon, para bang importante akong nakahanay sa piling-piling mga kaibigan mo.

J, para akong teenager noon na may puppy crush kaya naman inspired na inspired akong magtrabaho. Dumating na rin ang araw na aking pinaka-aasam-asam. Day 2 ng ating shoot. Bineso-beso mo ko ulit nang makita mo ako sa gym. Ininterview ulit kita. Hindi ka kagaya ng karamihan sa mga artistang puro sarili lang ang nasa isip. Hindi ka rin kagaya ng mga artistang minut-minuto’y panay ang sulyap sa sarili sa salamin. Nalungkot ako noon, J, na napakabilis lang ng shoot natin. Alam ko kasi na hindi na tayo magkikitang muli. Bumalik ako sa realidad na masusulyapan na lang kita sa TV, pelikula, magazine, o billboard.

Pero parang kasabwat ko yata ang tadhana, J. Makalipas ang dalawang linggo, nag-krus na naman ang landas natin. Habang papalabas na ako ng opis, saktong nasa lobby ka rin, kausap mo ang isa pang artista. Hindi ako umasang maaalala mo pa ako. Pero inihinto mo ang usapan niyo para lang pansinin ang kagaya ko. Tinawag mo ang pangalan ko, sabay beso. Mabuti na lang at mukha akong tao noon kahit papaano, salamat sa aking lip gloss. Nag-small talk na naman tayo na para bang wala tayong pinaghihintay na mga kaibigan sa ating tabi. Pero J, hindi ako sanay sa small talk, lalo na’t ikaw ang kausap ko. Kaya dali-dali akong nagpaalam sa’yo kahit forever naman kitang gustong kausapin. Naglakad ako patungong parking noon nang may permanent pa-girl na ngiting nakadikit sa aking fez. Oo, J, kagagawan mo kung bakit nabuhay ang isang ilusyon sa kokote ng isang dati namang realistikong tao.

Gaano pa man ako ka-ilusyonada noon, medyo may kapit pa rin ako sa realidad ng buhay. Ikaw na perfect ang symmetry ng mukha, may jawline na pwedeng ihanay sa sculptures ni Michelangelo, may 6-pack abs na kayang bumuhay sa hormones ng bawat babae, at may ngiting nakapapawi ng anumang lungkot sa buhay. At ako na sadyang ordinaryong babae na may hindi pinagpalang ordinaryong panloob at panlabas na mga katangian. Pero paminsan-minsan sa buhay, kailangan mong kumapit din sa ilusyon. At mas naging ilusyon ang aking ilusyon sa tuwing ni-lilike mo ang Instagram posts ko. Sino ba ako para ma-like ng isang kagaya mo? Sinubukan kong magpost pa ng selfie ko kasama ang aking cute poodle, para lang makuha pa ang “hearts” mo sa Instagram. Pasensya na sa aking aso, pero ginamit kita ng slight noon. Hindi ko alam kung ako ba talaga o ang poodle ang gusto mo, pero nagbaka-sakali ako na baka naman like mo rin ang isang nilalang na kagaya ko.

Ngunit kagaya ng mga pelikula, hindi lahat ay nagtatapos sa happy ending. Pati pala ang pag-follow mo sa ordinaryong tao ay may taning din. Pagkatapos ng anim na buwan, inunfollow mo rin ako. Ang sakit, J. Dahil para sa isang ilusyonadang kagaya ko, ang mababaw na pag-like mo ay sapat nang panawid-kilig sa aking puso. At binawi mo itong lahat noong pinili mong kalimutan ang isang nobody na kagaya ko.

Wala akong magawa, J, kundi gantihan ka rin ng isang matamis na pag-unfollow— kahit hindi mo naman ito mapapansin. Pero salamat, J, sa pagdurog sa aking puso… dahil naliwanagan din ako na ang lahat lang pala ng ito ay isang ilusyong may hangganan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *