Picture

 

Hindi na ako naghahanap ng isang lalaking marunong gumamit ng din at rin,
Basta ba alam n’ya ang wastong pagbuo ng mga salitang magpapangiti sa’kin.

Hindi na ako naghahanap ng isang lalaking may six-pack abs at machong katawan,
Basta ba lagi siyang handang ihilig ang kanyang balikat na masasandalan.

Hindi na ako naghahanap ng isang lalaking may guwapong mukhang lilingunin, 
Basta ba kaya n’ya ‘kong harapin, at laging ako ang pipiliin at iibigin,

Hindi na ‘ko naghahanap ng isang lalaking may PHD sa magandang eskwelahan,
Basta ba marunong s’yang umunawa, matuto, at magbigay-kulay sa mga talakayan. 

‘Di na ‘ko naghahanap ng ‘sang lalaking ang bawat dampi’y pawang mga umaapoy na kiliti,
Basta ba ang kanyang mga titig, kapit, yapos, at halik— sa akin ay walang kapagurang babati.

Hindi na ‘ko naghahanap ng isang lalaking may mga talinghagang ‘di nagsasawa,
Basta ba marunong s’yang makitungo, makisama, at magpahalaga sa kanyang kapwa.

Hindi na ako naghahanap ng isang lalaking swak sa mahabang listahan ko ng katangiang perpekto,
Basta ba sa mundo niya at mundo ko ay hindi na maghahanap pa; dahil kami ay kuntento na sa sakto.

‘Di na ‘ko naghahanap ng ‘sang lalaking makiki-moshpit at makikisayaw sa ‘king mga kabaliwan,
Basta ba maaasahan ko siya sa pagyakap at pagtanggap sa mga karanasang may kabuluhan,

Hindi na ako naghahanap ng isang lalaking bibigyan ako ng buhay na maginhawa’t masarap,
Basta ba determinado siyang abutin ang kanyang matatayog at mahahalagang pangarap,

Hindi na ‘ko naghahanap ng isang lalaking pupunuin ang aking araw ng masasayang k’wento,
Basta ba anumang araw na kami ay magkasama, sa lungkot at saya, siya ay laging kuntento.

Hindi na ako naghahanap ng isang lalaking magpapabighani sa aking pamilya at mga kaibigan,
Basta ba ako’y nakasisiguro na sa mga araw ng lumbay, bagyo, at kadiliman: hindi n’ya ako iiwanan.

Hindi na ‘ko naghahanap ng isang lalaking kapareho ko ang mga gusto,
Basta ba sa aming pagkaka-iba, mas ramdam namin ang pagiging kumpleto.

Hindi na ‘ko naghahanap ng isang lalaking papawi ng aking pagka-uhaw,
Basta ba susubukan niya na ang aming pag-ibig ay laging mangingibabaw,

‘Di na ‘ko naghahanap ng ‘sang galanteng lalaking para sa ‘kin ay laging nag-aabala,
Basta ba tutulungan niya akong lumikha’t bumuo ng makukulay na alaala.

Hindi na ako naghahanap ng isang lalaking sasamahan akong suyurin ang mga siyudad, bundok, at karagatan,
Basta ba sa ‘ming paglalakbay, tuturuan n’ya akong hubugin ang aking pagkatao sa tulong ng kanyang katatagan,

Hindi na ako naghahanap ng isang lalaking maghahatid sa akin ng isang bilyong kilig,
Basta ba mapapatunayan n’ya sa akin na posible pa rin ang hindi sumusukong pag-ibig.

Hindi na ako naghahanap ng isang lalaking may mga bukod-tanging katangian,
Basta ba tuturuan niya ‘kong magtiwala at maniwalang muli sa walang hanggan.

Hindi na ako naghahanap,
dahil isa ka lang pangarap.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *