Ikaw: kabuti.

Susulpot-mawawala
Ngunit isa, dalawang araw
Hanggang dalawang linggo lang ang pagitan
Ng nandirito at katahimikan.

Nasanay ako sa iyong walang katiyakan.
Naglaho ka man,
Alam kong susulpot kang muli–
Parang ibong makikisilong,
Na lilipad din sa tuwing titigil ang buhos ng ulan.
Basta alam kong magbilang–
Isa, dalawang araw
Hanggang dalawang linggo lang ang pagitan.
Babalik kang muli,
At magtatagpo ang ating landas.

Hindi ko kailangang tanungin,
Kung aagos kang muli sa aking piling,
Basta lagi’t laging ipapadpad ka rin ng alon kinaumagahan.

Ngunit paano kung lumipas lagpas–
Ang isa, dalawang araw
Hanggang dalawang linggo ng iyong katahimikan.
Susubukan ko pa bang maghintay, magbaka-sakali, magkunwari?

O uunawain na sa pagkakataong ito,

Ang katiyakan lang ang iyong kawalan–
Ikaw: kabuti.
Susulpot at mawawala rin.

Na ikaw: kabuti,
Nakikisilong lang tuwing tag-ulan.

Paano sa tag-araw, wala pa ring nakaliligtaan?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *