Una sa lahat, sasabihin ko na baka mas ‘masaklap’ pa ang aking kalagayan kaysa sa’yo. Halos anim na taon na akong single. Tatlong Valentine’s Day na rin ang nakalipas na ‘matamlay’ ang aking hapunan sa pinaka-kinasusuklaman mong araw. Animnapu’t apat na lalaki (Oo, binilang ko ngayon!) na ang aking na-date alang-alang sa aking paghahanap ng ‘The One.’ Hindi ko na mabilang kung gaano karami na ang lalaking nagpakirot ng aking puso. Ako siguro ‘yung huling taong aasahan mong naniniwala pa sa pag-ibig.

Aaminin ko sa’yo na maraming malulungkot na araw sa aking pag-iisa. Na para bang out of place ka, na para bang walang nakaiintindi sa’yo, na para bang pinag-iwanan ka na ng panahon, na para bang hindi ka ka-ibig-ibig. Nadama ko na ‘yan. Mahirap. Pero magiging matatag ka rin.Masakit sa umpisa pero masasanay ka ring mag-isa. Oras na matutunan mong mahalin ang iyong sarili, malalaman mong posible rin pala ang pag-ibig na hindi kumakailangan ng romantikong pagmamahal.  Wala mang ibang kamay na magpapakilig sa’yo, nandiyan ka. Buhay ka kaya malaya mong maisasabuhay ang pag-ibig. Lumikha ka ng sarili mong kaligayahan. Tumakbo ka. Mag-aral ka. Bilangin mo ang iyong mga biyaya. Maging inspirasyon ka sa mga taong nakapalibot sa’yo. Ibahagi mo ang iyong talento. Libutin mo ang mundo. Makitagay ka. Sumayaw ka. Kainin mo ‘yung paborito mong pagkain sa paborito mong restaurant kahit mag-isa ka. Pahusayin mo ang bersiyon ng iyong sarili. Gawin mong makabuluhan ang iyong buhay. Bumabad ka sa masasayang alaala. Yakapin mo ang iyong pag-iisa.

Ikaw ang humanap ng sarili mong direksiyon. Huwag na huwag mong hayaang iba ang dumikta sa’yong kahulugan ng pag-ibig. Huwag mong sayangin ang iyong panahon sa mga taong hindi mo gusto o sa mga taong hindi ka gusto. Kung masaktan ka man, iiyak mo lang pero matuto kang mag-let go rin. Alalahanin mo na hindi lahat ng tao ay nananatili. Marami ang daraan lang sa ating buhay para bigyan tayo ng aral, saysay, o panandaliang ngiti. Alamin mo kung gaano ka kahalaga pero huwag mong isarado ang iyong puso. Maging bukas ka sa pag-ibig. Huwag mawalan ng pag-asa sa iyong paghahanap pero kung wala mang dumating, ok lang. Hindi hihinto ang mundo. Nandiriyan ka pa rin.

Tingnan mo ang nakapaligid sa’yo. ‘Yung nanay mo na kahit 33 years old ka na, pinagbabaon ka pa rin ng paborito mong bacon sandwich. ‘Yung tatay mo na chinecheck lagi ang iyong sasakyan. ‘Yung kapatid mo na huhugasan ang iyong pinggan para sa’yo. ‘Yung pamangkin mong laging yumayakap sa’yo nang mahigpit. ‘Yung aso mong hindi nakalilimot batiin ka na para kang isang rockstar. ‘Yung guwardiyang walang mintis ang pagsaludo sa’yo araw-araw. ‘Yung stranger na ngingiti at magbubukas ng pinto para sa’yo. ‘Yung mga maaalalahanin mong kaibigan na yayayain kang kumain kahit wala namang okasyon. ‘Yung bagong kanta sa radyo na magpapatawa sa’yo. ‘Yung crush mo na laging nag-lilike sa iyong Facebook post. ‘Yung touching viral video na magpapabilib sa’yo na matamis ang buhay. Maraming klase ng pag-ibig na nasa paligid, mababaw man o malalim, kailangan mo lang buksan ang iyong mga mata at bigyang halaga ang mga taong walang sawang nagmamahal sa’yo.

Hindi nangangahulugan na dahil mag-isa ka, wala nang nagmamahal sa’yo. Maraming pruweba sa mundo na mayroong pag-ibig. Sigurado ako na malalanta rin ang mga rosas, lilipas din ang Valentine’s Day… pero ang pag-ibig lagi’t lagi mong matatagpuan sa iyong paligid at sa iyong sarili, in a relationship ka man o hindi.

Sabi nga sa isang pelikula: “Some philosopher said that we’re originally born with  four arms, four legs, and a head with two faces. And then, the gods decided to split into two separate parts so that the rest of your existence on earth is all about trying to find that other half. It scared the shit out of me. I think I’d rather just be good at being a half. Two arms, two legs, one head.” May kakayahan naman ang taong maging buo kahit kalahati 😉 Hindi ka kulang sa iyong pag-iisa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *