Sa umpisa pa lang, bigo ka na.

May dingding sa inyong pagitan.
Hanggang dito ka lang, alam mo.

Pero pipilitin mong buhagin ang dingding,
maski ‘sing tibay ng bakal na klase ito,
maski sabihing kahibangan ang pag-asa.

Mamalabisin mo pa rin ang dasal,
Pitong nobena kada linggo,
Walong baryang ihinahagis sa balon,
Siyam na sumakabilang buhay na panaginip na kayo at kayo,
Isang milyon kada segundong pagsambit ng kanyang pangalan.

Sana. Sana. Sana. Sana.

Kakatha ka ng sarili niyong kwento.
Susubakan mong pumuslit ka sa isang imahinaryong palasyo
Magtatakda ka ng panahon ng inyong pagtatagpo
Magmamalabis ka alangalang sa pagbubuwag
ng isa pang dangkal kada dangkal.

Gusto mong takpan ang kahibangang ito
Pipilitin mo s’yang kalimutan
Magpapakadalubhasa sa lahat ng bagay
Kikilalanin ang iba, gagawa ng robot na kaparis niya

Ngunit uulit ng uulit ang mga dasal
kahibangan dasal kahibangan
dasal kahibangan dasal
kahibangan kahibangan kahibangan.

Sa paglaon ng sikulo,
mauunawaan mo na hindi maiuuwi ng panahon ang lahat,
Dahil sa pagdanas mo ng pait,
maaalala mo na sa umpisa pa lang, bigo ka na nga pala.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *